Cha-Cha, hindi na dapat ituloy kasunod ng pagtutol dito ng malalaking business groups

Iginiit ni Albay First District Representative Edcel Lagman na mas bumibigat ngayon ang rason para tuldukan na ang pagsusulong sa panukalang amyendahan ang 1987 constitution.

Diin ito ni Lagman, makaraang magpahayag ng pagtutol sa Charter Change o Cha-Cha ang anim na malalaking business groups.

Katwiran ni Lagman, suportado niya ang paniniwala ng grupo ng mga negosyante na hindi napapanahon ang Cha-Cha dahil mas mainam na iprayoridad ng gobyerno ang pagtugon sa mga problema ng bansa sa kahirapan, inflation at food security.


Binanggit ni Lagman na magdudulot din ng pagkakahati-hati ang debate sa Cha-Cha na makakasama sa ekonomiya.

Ayon kay Lagman, masyado ring magastos ang itinutulak na Constitutional Convention kung saan ang pondong gagamitin ay mainam na ilaan na lamang sa mga pro-poor program.

Mungkahi ni Lagman, ipatupad muna ng lubusan ang mga kasunduang pinasok ng Pilipinas sa ibang bansa na nagluluwag sa pagpasok ng pamumuhunan bago bigyang daan ang pagbabago sa ating Constitution.

Facebook Comments