Cha-Cha, hindi pa patay ayon sa House leadership

Nanindigan si Speaker Lord Allan Velasco na hindi pa patay ang pag-amyenda sa economic Charter Change.

Kasunod ito ng pagiging malamig ng Senado sa Cha-Cha at hindi pagkakasama nito sa listahan ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa mga priority measures ngayong taon.

Ayon kay Velasco, may mga pag-uusap naman sila ni Senate President Tito Sotto III kaugnay sa Cha-Cha at hindi lamang ito minamadali sa ngayon.


Aniya, may sapat pang panahon dahil may isang taon pa sila para talakayin ang pag-amyenda sa restrictive economic provisions.

Kung sa panig ng Kamara, posibleng sa Mayo ay mapagtibay na sa Mababang Kapulungan ang Resolution of Both Houses No. 2 at tiniyak na mabibigyan ng pagkakataon na magsalita ang mga kongresista na pabor o tutol sa panukala.

Naiintindihan ni Velasco na kaya may pag-aalangan ang ilan sa economic Cha-Cha ay sa pangambang may iba pa silang galawin tulad sa political provisions.

Pero tiniyak ng Speaker na tanging sa aspeto lamang ng ekonomiya ang luluwagan sa bansa upang makapaghikayat ng foreign direct investments at makapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino lalo’t ngayong maraming nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya

Facebook Comments