Inamin ni House Majority Leader Martin Romualdez na wala sa hanay ng mga priority measures sa Kamara ang charter change o Cha-cha.
Ayon kay Romualdez, uunahin muna ng Kamara ang mga nakahanay sa priority agenda ng administrasyong Duterte na inihayag din nito sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan.
Pero paglilinaw ni Romualdez, hindi ito nangangahulugan na patay na o wala nang pag-asang mapag-usapan sa Kapulungan ang panukala.
Mayroon aniyang inihain na House Concurrent Resolution No.1 si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na layong maamyendahan ang 1987 Constitution para gawing federal-presidential ang porma ng gobyerno.
Sa nasabing resolusyon, gagawing tatlong termino na may tig-apat na taon ang pagsisilbi ng mga senador at kongresista.
Bubuo rin ng regional assembly kung saan magiging 27 na ang ihahalal na senador ng taumbayan.