Cha-cha, malabo nang matalakay ngayong 18TH Congress

Isinantabi ng ilang senador ang pagtalakay sa last minute proposal ng Kamara na nagtutulak sa pag-amyenda sa 1987 Constitution.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hindi niya kinukuwestiyon ang kapwa niya mambabatas pero magiging huli na para matugunan ang mga pagbabago sa konstitusyon.

Aniya, ang panukalang ito ay dapat isulong na lamang sa 19th Congress.


Sinabi naman ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na hindi magtatagumpay sa 18th Congress ang pagsulong para sa Charter change.

Iginiit naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na hindi dapat seryosohin ang panukalang ito.

Matatandaaang Enero 7, 2022 nang ihain ni Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales ang Resolution of Both Houses No. 7 na humihimok sa Senado at Kamara na magpulong bilang constituent assembly.

Layon nitong amyendahan ang mga limitasyon sa termino sa Konstitusyon at bigyan ang pangulo ng limang taong termino.

Ang parehong Kapulungan ng Kongreso ay nakatakdang ipagpatuloy ang sesyon sa Enero 17 at muling ipagpaliban ang mga sesyon sa Pebrero 4, 2022.

Ipagpapatuloy ng Kongreso ang sesyon sa Mayo 23, 2022 o pagkatapos ng 2022 election.

Facebook Comments