Tinalakay sa organizational meeting ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes ang panukala para sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Ayon kay Senator Robinhood Padilla, bilang chairman ng komite ay bukas ang kaniyang isipan para sa mga kaalaman, opinyon at suhestyon kaugnay sa mga panukala na layong amyendahan at mas pagbutihin pa ang Saligang Batas.
Layunin ng pulong na malaman kung may pangangailangan para amyendahan na ang Konstitusyon, kung magco-convene ang Kongreso bilang constituent assembly o constitutional convention at kung jointly o separately na boboto ang Kamara at Senado sa mga isusulong na revisions ng Konstitusyon.
Sa meeting ay parehong pabor sina Atty. Christian Monsod, isa sa mga bumalangkas noon ng 1987 Constitution at dating Interior Usec. Jonathan Malaya sa ‘tandem voting’ ng presidente at bise presidente.
Para kay Malaya, dapat na bawasan ang termino ng presidente sa apat na taon at isang reelection mula sa kasalukuyang anim na taon lang.
Si Monsod ay sang-ayon sa pagkakaroon naman ng ‘run-off elections’ sa mga pagkakataon kung saan magkadikit ang boto ng mga nasa top 2 sa pagka-presidente.
Ani Monsod, ginagawa ito sa ibang bansa kung saan ang ibang kandidato na mas mababa ang boto ay i-e-eliminate na at ang top 2 naman na dikit ang bilang ng mga boto ay muling pagbobotohan ng publiko.