Chairman, Nanawagan sa Kanyang Residente na Hindi Makakatanggap ng Social Amelioration!

Cauayan City, Isabela- Nananawagan sa kanyang nasasakupan ang isang barangay Kapitan sa Lungsod ng Cauayan para sa mga pamilya o household na hindi makakatanggap ng Social Amelioration Program (SAP) mula sa pamahalaan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Chairman Sonny Nonan ng brgy Manaoag, humihingi ito ng pang-unawa sa mga pamilya na hindi mabibigyan ng tulong sa ilalim ng SAP.

Ang barangay Manaoag kasi ay may 534 pamilya at nasa kabuuang 420 na mga households subalit nasa 135 lamang ang mabibigyan ng financial assistance.


Giit nito na halos lahat ng pamilya sa kanyang barangay ay pasok sa naturang programa dahil pagsasaka ang pangunahing kabuhayan ng mga ito subalit ang assesstment pa rin kasi aniya ng DSWD ang masusunod.

Gayunman, sinabi ng Kapitan na mabibigyan pa rin ng tulong mula sa Department of Agriculture ang mga households na hindi makakatanggap ng SAP.

Kinumpirma na rin ito ni City Mayor Bernard Dy na makakatanggap pa rin ng ayuda ang mga hindi mabibigyan ng financial assistance.

Ilan pa sa mga problema ng kanyang barangay ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine ay ang mga residente na mayroong iniindang sakit subalit natutugunan naman aniya nila ito sa pamamagitan ng kanilang ginagamit na patrol para dalhin ang mga ito sa ospital.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang mahigpit na implimentasyon ng ECQ ng mga barangay opisyal at Tanod kaya’t hiniling din ng Kapitan ang pagkakaisa ng bawat isa para mapigilan ang paglala ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments