Tama ang mga pahayag ni Southern Luzon Command Commander Lt. General Antonio Parlade Jr. na maaaring magamit ang aktres na si Liza Soberano at iba pang aktres ng mga makakaliwang grupo sa kanilang mga adhikain laban sa gobyerno.
Ang pagtatangol ay ginawa ni Philippine Military Academy Alumni Association Inc. Chairman Retired General Edgar Aglipay matapos na maimbitahan si Liza Soberano sa isang webinar na organize ng Gabriel Youth nang nakaraang linggo at tinalakay ang mga karapatan ng mga kababaihan.
Ayon kay Aglipay, ang nais lamang ni Gen. Parlade ay mabigyan ng babala si Soberano at huwag magpapagamit sa anumang grupo na may koneksyon sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF).
Sinabi pa ni Aglipay na mismong si Soberano ang makakapagdesisyon sa kanyang sarili kung magpapagamit o hindi sa mga makakaliwang grupo.
Bukod kay Liza Soberano, nagbigay rin ng babala si LtGen. Parlade kay Miss Universe 2018 Catriona Gray na huwag magpapagamit sa mga makakaliwang grupo.
Si Gray ay matapang na nagbibigay ng kanyang saloobin sa mga national issues gaya ng Anti-Terror Law.