
Kinumpirma ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC na umalis na sa bansa si Chantal Anicoche, matapos ang inisyung Order to Leave ng Bureau of Immigration.
Nabatid na sumailalim si Anicoche sa medical treatment sa 2nd Infantry Battalion Hospital matapos ang pagkakasagip sa kanya noong Enero 1 sa naging engkwentro ng militar at NPA sa Occidental Mindoro.
Ayon sa NTF-ELCAC , inamin ni Chantal Anicoche sa isinagawang debrifing ang kanyang naging presensya sa isang kampo ng New People’s Army sa Occidental Mindoro nang mangyari ang engkwentro at ang pakikilahok niya sa mga organisasyon sa ibang bansa na konektado sa CPP international support network.
Kaugnay nito, sinabi ni NTF-ELCAC Executive Director Usec. Ernesto Torres Jr. na ang kautusan na inilabas ng BI ay isang administratibong hakbang sa ilalim ng batas at hindi ito nangangahulugang inosente si Anicoche, o nagpapatunay na siya ay biktima ng political persecution.
Aniya, ang karanasan ni Anicoche ay nagpapakita ng mapanganib na pattern sa mga kabataan pati na rin sa mga dayuhan, na naaakit sa mga armadong labanan ngunit sa realidad ay nagsasagawa ng panghihikayat ,radicalization, at direktang exposure sa armadong karahasan.










