Iminungkahi ni Senator Nancy Binay na huwag munang patawan ng Department of Transportation o DOTr ng charges sa take-off, landing at parking fee ang local airlines.
Ayon kay Binay, ito ang mainam na gawin habang wala pang malinaw o kongkretong ayuda ang ating gobyerno sa air industry.
Diin ni Binay, kahit paano, malaking tulong ito sa local airlines tulad sa Philippine Airlines (PAL) na nagdeklara ng bankruptcy.
Dagdag pa ni Senator Binay, paraan din ito para maipakita ang economic patriotism at pagpapahalaga sa mga Pilipino sa panahong nahaharap tayo sa pandemya.
Samantala, nilinaw naman ni Senator Binay na tuloy pa rin ang operasyon ng PAL kahit nagdeklara ito ng bankruptcy.
Sabi ni Binay, ang layunin ng deklarasyon ng bankruptcy ng PAL ay upang mahinto ang pagbabayad nila ng utang para makahinga muna sa kanilang financial obligations at makapagsagawa ng financial restructuring.
Dahil dito, hiniling ni Binay sa Department of Tourism o DOT na tulungan ang PAL, bilang flag-carrier ng bansa na ipabatid sa mga pinoy at foreign travelers na tuloy ang operasyon ng PAL kaya’t walang dapat ikabahala.