Labis ang pasasalamat ng TV host-actress at chief content officer ng ABS-CBN Broadcasting Corporation na si Charo Santos-Concio sa tiwala, suporta, at pagmamalasakit na ipinakita ng publiko sa Kapamilya network na tumigil muna sa paghimpapawid nitong Martes ng gabi, Mayo 5.
Sa ilalim ng cease and desist order, ipinag-utos ng National Telecommunications Commission ang pagpapahinto ng operasyon ng istasyon dahil napaso na ang prangkisa nito.
Binigyan ng komisyon ang kompanya nang 10 araw upang magpaliwanag kung bakit hindi dapat bawiin ang broadcast frequency rights nila.
Ipinost ni Santos-Concio sa kaniyang Instagram account ang isang video na nagpapakita ng pagtulong at pagseserbisyo ng istasyon para sa sambayanang Pilipino.
View this post on Instagram
“Maraming, maraming salamat sa inyong pagmamahal at suporta. Hanggang sa muli,” caption ng ABS-CBN executive.
Sa ngayon, 11 panukala ang nakabinbin sa Kamara para sa pagpapalawig ng legislative franchise ng media and entertainment network.
Una rito, binalaan ni Solicitor General Calida ang komisyon na puwede itong makasuhan ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act kapag binigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.