CHARTER CHANGE | Mga Senador, hiniling na idetalye sa kanila ang napag-usapan ng liderato ng Kamara at Senado

Manila, Philippines – Umaasa ang mga Senador na mailalahad sa kanila ang detalye ng naging pulong kagabi ng mga leader ng Kamara at Senado ukol sa Charter Change o Cha-Cha.

Giit ni Senator Kiko Pangilinan, sa caucus noong nakaraang linggo ay may nabuo ng posisyon ang mga Senador kaugnay sa Cha-Cha.

Nakatitiyak si Pangilinan na nais din ng kanyang mga kasamahang Senador na magkaroon muna ng briefing bago sila umayon sa anumang napagkasunduan nina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.


Si Senator Panfilo Ping Lacson naman ay nagsabi na hanggang ngayon ay blangko pa rin siya sa naging resulta ng nabanggit na pulong kagabi.

Gayunpaman, umaasa si Lacson na naresolba ng mga lider ng dalawang kapulungan ang hindi pagkakasundo kaugnay sa Cha-Cha.

Tiwala naman si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na ang pag-uusap ng magkabilang panig ay may malaking maitutulong sa planong pag-amyenda sa konstitusyon.

Facebook Comments