Checkpoint sa mga boundary ng lungsod at probinsya, hihigpitan ng PNP dahil sa Delta variant

Mas magiging mahigpit ang Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng health protocol ngayong may local transmission na ng Delta variant ng COVID 19.

Sinabi ito ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, makaraang ianunsyo ng Malakanyang na isasailalim muli sa General Community Quarantine with heightened restriction ang Metro Manila simula July 23 hanggang July 31.

Aniya, mas hihigpitan nila ang pagbabantay sa mga checkpoint sa boundary ng mga lalawigan at lungsod.


Ito ay para maging limitado ang galaw ng mga tao at maiwasan ang hawaan.

Gayunpaman, dedepende pa rin sila sa alituntunin ng mga LGU.

Sinabi ni Eleazar na bilang tagapagpatupad ng batas ay susunod lang sila sa kung anong mga adjustment ang kanilang gagawin.

Inatasan naman ni Eleazar ang mga police commander na makipag-ugnayan sa mga local chief executive sa mga dapat na gawin.

Panayuhan naman ni PNP Chief ang mga establisyemento na sundin ang pinapayagang kapasidad sa kanilang mga establisyemento upang hindi magsiksikan ang mga tao.

Habang payo rin ng PNP sa publiko na palaging magsuot ng face mask, face shield, at sumunod sa social distancing.

Facebook Comments