Nagdulot ng napakatinding mabigat at mabagal na daloy ng trapiko simula kaninang 4:00 pa lang ng umaga, sa Ortigas extension na papasok sa Pasig kaya’t karamihan ay naglalakad na lamang.
Ito’y dahil sa isinagawang checkpoint ng mga pulis na ipinatutupad dahil na rin sa umiiral na Community Quarantine.
Kung ihahambing kahapon ang unang araw ng pagpapatupad ng community quarantine ay ibang-iba ang sitwasyon ngayong araw dahil sa balik-trabaho na ang karamihan at maaga pa lang ay bumiyahe na para makapasok sa kanilang mga opisina.
Kapansin-pansin na kahit na inagahan na nila ang pagluwas, naiiipit pa rin sila sa matinding trapiko.
Halos 2 kilometro na kasi ang haba ng trapik mula sa checkpoint na papasok sa Pasig.
Kahit ang mga naka-motorsiklo, napapakamot na lang ng ulo, hindi kasi sila makasingit dahil sa dami ng mga sasakyan.
Sa ginagawang checkpoint ay isa-isa kasing tinitignan ang mga sasakyan kung mayroon bang ID ang mga driver at kung mayroon ba silang mahalagang transaction na pupuntuhan.