Checks and balances sa mga sangay ng pamahalaan, hindi mailalagay sa alanganin kasunod ng direktiba ni PRRD na huwag sumipot sa pagdinig ng Senado ang mga gabinete

Walang magiging epekto sa checks and balances sa pagitan ng mga sangay ng pamahalaan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng gabinete na huwag nang dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa kinukwestyong pagbili ng medical supply ng gobyerno.

Paliwanag ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, tanging ang presensya lamang ng mga kalihim sa Senate hearing ang ipinagbawal ng pangulo at hindi naman nito ipinatigil ang mismong pagdinig ng Senado.

Bilang co-equal branch ng Ehekutibo, wala aniyang kapangyarihan si Pangulong Duterte na utusan ang mga mambabatas na ihinto ang kanilang imbestigasyon.


Nilinaw ni Roque na ang tanging tinututulan lamang ng pangulo ay ang pagka-ubos ng oras ng mga kalihim sa pagdinig ng Senado, sa halip na pinagtutuunan nila ng pansin ang COVID-19 response ng pamahalaan.

Binigyang diin din ng kalihim na hindi maaaring ma-cite in contempt ang mga gabinete sa hindi pagdalo sa mga padinig, dahil sa oras na ang presidente na aniya ang mag-utos, obligasyon ng mga kalihim na sumunod sa kanilang presidente.

Facebook Comments