CHED, hiniling na maging proactive at agresibo sa mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Hazing Law

Pinakikilos ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang Commission on Higher Education (CHED) sa pagpapatupad ng Anti-Hazing Law sa mga unibersidad at kolehiyo.

Ang apela ng kongresista sa CHED ay kasunod na rin ng pinakahuling insidente ng pagkasawi ng isang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) nitong Setyembre.

Ayon kay Fortun, kailangang maging proactive at agresibo ang CHED sa pagpapatupad ng Anti-Hazing Law at iba pang gender welfare laws.


Mahalaga aniyang matiyak na nasusunod ito at maayos na naipapatupad maging sa mga armed at reserve services academies lalo pa’t dito sinasabi ring talamak ang hazing activities.

Naniniwala si Fortun na kung may mapapanagot sa hazing ay tiyak na mapipigilan ang mga ganitong gawain sa mga government-run academies para sa mga pulis, sundalo, coast guard at merchant marines.

Iginiit din ng mambabatas na kung ililipat lang kasi ng ibang akademya, unit o opisina ang isang commanding officer na responsable sa hazing ay walang hustisyang maibibigay para sa mga naging biktima.

Facebook Comments