CHED, nakapag-ipon ng P15-B bilang tulong sa COVID-19 efforts ng gobyerno

Nakaipon ng P15 billion ang Commission on Higher Education (CHED) bilang pandagdag sa COVID-19 efforts ng gobyerno.

Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera III, ang pondo ay hinugot mula sa mga hindi naipatupad na mga programa bunga ng pandemya.

Kasama rin sa pondo na ibinigay ng CHED sa pagtugon sa pandemya ay ang Universal Access to Quality Tertiary Education funds para sa reimbursement ng second semester tuition at miscellaneous fees gayundin ang second semester tertiary education subsidy.


Aniya, lahat ng State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ay gagamit na ngayon ng bagong academic calendar at ang second semester para sa School Year 2020-2021 na magsisimula sa January 2021.

Dagdag pa nito, nag-realign din ng pondo ang CHED mula sa natitirang 2020 budget upang matulungan ang mga SUCs na gumagawa ng mga produktong may kaugnayan sa COVID-19 tulad ng alkohol/alcogel at Personal Protective Equipment (PPEs) na ipinamimigay sa mga frontliners.

Tiniyak ng CHED na patuloy itong nakikipagtulungan sa ginagawa ng pamahalaan upang matiyak na malalampasan ang kasalukuyang krisis pangkalusugan.

Facebook Comments