Manila, Philippines – Pinayagan na Commission on Higher Education (CHED) ang pagkakaroon ng off-campus activities sa mga college students.
Ito ay matapos bawiin ng CHED ang moratorium na nagbabawal sa mga field trips sa kolehiyo dahil sa malagim na aksidente na ikinamatay ng 13 estudyante ng Bestlink Colleges noong Pebrero.
Ayon kay CHED Commissioner Prospero De Vera – naglabas sila ng memorandum order na nagtatakda ng bagong patakaran sa pagsasagawa ng field trips.
Bukod sa field trip, sakop din ng memorandum order ang lakad ng mga estudyanteng pinapadala sa mga kumpetisyon o torneyo, conference, symposiums at mga immersion programs.
Inaatasan din aniya ang mga eskwelahan na bago lumabas ng campus ay mayroon dapat itong handbook o manual tungkol sa aktibidad, parents’ consent, medical clearance, personnel na in-charge sa aktibidad.
Mayroon din dapat na first aid kit, insurance para sa mga estudyante pati ang paniniguro sa permit, lisensya, insurance at lahat ng dokumentong konektado sa operasyon ng sasakyang gagamitin.
Itinakda rin sa bagong memorandum kung ano ang magiging hakbang gagawin laban sa mga eskwelahang lalabag.