CHED, susuportahan ang 28 state universities at colleges na nagtatag ng mga quarantine facilities para sa COVID-19 cases

Tiniyak ng Commission on Higher Education (CHED) na tutulungan nito ang 28 state universities and colleges sa buong bansa na nagtayo ng quarantine facilities bilang suporta sa mga local government units sa paglaban ng COVID-19 pandemic .

Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera III, mula Marso may 17,000 Persons Under Investigation (PUI) at Persons Under Monitoring (PUM) ang naasistihan na ng 28 SUCs sa kanilang isolation facilities.

Naging kritikal umano ang paggamit ng mga quarantine facilities lalo na ngayong patuloy na nagsisi-uwian sa mga lalawigan ang mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at kailangang sumailalim sa mandatory 14-day quarantine.


Pinuri ni De Vera ang mga SUCs dahil sa pakikibahagi nito sa pagpursige na ma-control ang pagkalat ng nakakamatay na virus.

Umaasa ang CHED Chairman na tutularan pa ng maraming tertiary education institutions ang ginagawa ng 28 SUCs na nagbibigay serbisyo sa bansa at sa mamamayan sa panahon ng pandemya.

Facebook Comments