Chief Justice Diosdado Peralta, tumanggi munang magbigay ng personal na pananaw sa kontrobersyal na Dolomite Beach sa Manila Bay

Tumanggi si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta na maghayag ng kanyang personal na pananaw hinggil sa kontrobersyal na Dolomite Beach sa Manila Bay.

Sa kanilang inspeksyon kanina ni Environment Sec. Roy Cimatu sa Dolomite Beach, sinabi ni Peralta na dumayo siya sa lugar upang mag-obserba.

Sa ngayon aniya ay mahirap magsalita ukol sa Dolomite Beach lalo’t siya ang bagong ponente ng nakabinbing petisyon sa nasabing proyekto sa Manila Bay.


Bunga nito, sinabi ni Peralta na mas mainam na hintayin na lamang ang magiging resulta ng isasagawang deliberasyon ng Korte Suprema sa November 3.

Gayunman, sinabi ni Peralta na sa kanyang tingin ay nakakasunod naman ang DENR sa Mandamus at malinis na rin aniya ang tubig ng Manila Bay.

Una nang naghain ng mosyon sa Korte Suprema ang grupong Akbayan at Akbayan Youth na humiling na i-cite for contempt ang Department of Environment and Natural Resources o DENR dahil sa Dolomite Beach.

Ayon kay Peralta, ang inspeksyon nila kanina sa Dolomite Beach ay may layunin na makita kung nasusunod ng pamahalaan ang Mandamus na inisyu noong 2008 kung saan pinagre-report ang gobyerno sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources o DENR kaugnay ng sitwasyon sa Manila Bay.

Facebook Comments