Chief of Police ng Godod, Zamboanga Del Norte, hinuli ng PNP-IMEG dahil sa robbery extortion

Inaresto ng Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang Chief of Police ng Godod, Zamboanga Del Norte sa kanilang isinagawang entrapment operation dahil sa robbery-extortion.

Batay sa report ni PNP-IMEG Director Police Brigadier General Ronald Lee, kinilala ang arestadong police official na si Police Captain Haran Ulah, ang Hepe ng Godod Municipal Station.

Isinagawa ang entrapment operation matapos magreklamo ang isang Jose Abarca na hiningian umano siya ni Captain Ulah ng ₱10,000 bilang protection money noong May 29, 2020 para makapag-treasure hunting sa Sitio Riverside, Brgy. Raba, Godod, Zamboanga Del Norte.


Nahuli sa akto si Captain Ulah na tumanggap ng ₱5,000 marked money mula sa complainant.

Siniguro naman ni General Lee na magpapatuloy ang IMEG sa kanilang Internal Cleansing Campaign sa kabila ng banta sa COVID-19 sa bansa.

Nanawagan rin si Lee sa publiko na patuloy na iparating sa kanila ang mga report tungkol sa mga pulis na sangkot sa iligal na aktibidad.

Facebook Comments