CHIEF TANOD PATAY; 1 SUGATAN MATAPOS TAGAIN NG KARPENTERO!

Cauayan City, Isabela- Agad na binawian ng buhay ang isang barangay chief tanod matapos itong tagain sa kanang bahagi ng kanyang mukha ng isang karpentero habang nag iinuman sa isang tindahan sa Purok Pariir,Brgy. Comon, Aritao Nueva Vizcaya kahapon.

Kinilala ang nasawing biktima na si Rodolfo Cercinia, 44 anyos, may asawa at sugatang kasama nito na si Rene Soberano, 55 anyos, balo habang kinilala naman ang suspek na si Sonny Gelacio, 40 anyos, isang karpentero na kapwa mga residente sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Staff Sergeant Leonie Ross Manangan, imbestigador ng PNP Aritao, habang nag iinuman ang mga biktima ay bigla n alamang dumating ang suspek at bigla nalang tinaga ang mga nakatalikod na biktima.


Ayon pa kay Staff Sergeant Manangan, dati ng may alitan sa pagitan ng chief tanod at suspek matapos na pagsalitaan ng di maganda ang suspek ng paulit ulit hanggang sa mapuno at magawa ang krimen.

Lumalabas pa sa imbestigasyon ng pulisya na lasing ang suspek ng mangyari ang insidente ng pagtaga sa biktima habang patuloy na nagpapagaling ang kasamahan nito matapos namang mataga sa leeg.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek habang inihanda na ang kasong Murder at Frustrated Murder laban dito.

Facebook Comments