Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang mga paaralan na palakasin ang pagbibigay proteksyon sa mga mag-aaral laban sa sexual harassment at iba pang uri ng pang-aabuso.
Ang mungkahi ng senador na Chairman ng Senate Committee on Basic Education ay kaugnay na rin sa imbestigasyon ng Department of Education (DepEd) sa anim na guro na umano’y may ginawang sexual advances sa mga mag-aaral sa Bacoor National High School sa Cavite.
Kinalampag ni Gatchalian ang mga basic education institutions na paigtingin pa ang kanilang child protection program upang labanan ang lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga estudyante kasama na rito ang sexual harassment.
Tinukoy ng senador ang papel ng Child Protection Unit (CPU) ng DepEd na may mandato na bumuo ng polisiya kaugnay sa karapatan ng mga mag-aaral para sa proteksyon laban sa anumang karahasan, pang-aabuso, kapabayaan, kasamaan, exploitation at pagmamaltrato.
Pinakikilos din ang mga Child Protection Committees (CPC) ng mga eskwelahan na ang tungkulin ay tukuyin ang mga mag-aaral na nakakaranas ng pang-aabuso at magrereport ng mga kaso na may kinalaman sa child abuse.
Batay aniya sa pag-aaral ng National Baseline Study on Violence Against Children in the Philippines noong 2016, 17.1 percent ng mga kabataang edad 13 hanggang 18 taong gulang ay nakararanas ng sexual violence at 5.3% ng pang-aabusong ito ay nangyayari sa mga paaralan.