Child sexual abuse, posibleng lumala sa gitna ng mga bagong banta ng COVID-19

Ibinabala ni Senador Imee Marcos ang paglala ng kaso ng pag-abuso sa mga bata, sa gitna ng mga pangamba sa panibagong COVID-19 strain at sa pagtaas ng infection rate nitong nakaraang Pasko na posibleng mauwi sa mas matagal pa na community quarantine at mas mahabang oras na pagkalantad sa internet ng mga bata.

Paliwanag ni Marcos, ang pagkaantala ng face-to-face classes ay magdudulot ng patuloy na pagkalantad ng mga grade school at high school student sa mga local at foreign sexual predators na nakaabang sa internet.

Ayon kay Marcos, patunay nito ang pagbebenta online ng malalaswang video at larawan ng mga estudyanteng desperadong makabili ng mga gadget o mabayaran ang kanilang mga internet bills para sa kanilang online learning.


Giit ni Marcos, kailangan dito ng malalimang imbestigasyon.

Kung hindi umano matutugis at mapapanagot ang mga nasa likod nito ay posibleng mas lumala pa ang problema.

Facebook Comments