Child warrior, arestado; Apat na miyembro ng NPA, patay sa engkwentro sa Camarines Sur

Nahuli ang isang child warrior habang napatay ang apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) sa pagkikipag-engkwentro sa mga sundalo sa Barangay Toytoy, Garchitorena, Camarines Sur kahapon.

Ayon kay 9th Infantry Division Spokesperson Capt. John Paul Belleza, rumesponde ang mga tropa ng 83rd Infantry Battalion (83IB) sa sumbong ng mga residente kaugnay sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa kanilang barangay nang mangyari ang engkwentro.

Nasa 20 miyembro ng NPA ang nakasagupa ng tropa na ikinamatay ng apat na hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA, at nahuli ang isang menor de edad na miyembro.


Nakuha ng tropa sa pinangyarihan ng insidente ang walong M16 rifles, isang M14 rifle at isang M203 grenade.

Kinondena naman ni Joint Task Force Bicolandia Commander, MGen. Henry Robinson ang paggamit ng NPA ng mga “child warriors” sa armadong pakikibaka, bilang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) at 1989 UN Convention on the Rights of the Child.

Sinabi pa ng opisyal na patunay lang ito na banta sa mga kabataan ang NPA, dahil ang mga menor de edad ay dapat na nag-aaral at hindi nila dapat ipinangsasabak sa pakikipag-engkwentro sa mga sundalo.

Facebook Comments