CHILL LANG | Mga kaalyado ni Speaker Alvarez sa Kamara, hindi nababahala sa pagbagsak ng ratings nito

Manila, Philippines – Dinepensahan ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel ang pagbagsak ng satisfaction ratings ni House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ayon kay Pimentel, walang dapat na ikaalarma sa pagbaba ng satisfaction ratings ni Alvarez mula sa +14 noong December 2017 ay naging +1 na lamang ngayong first quarter ng 2018.

Nasa 13 points din ang ibinagsak ng ratings ng Speaker.


Pagtatanggol ni Pimentel, normal lamang na tumaas o bumaba ang ratings lalo na sa isang public official.

Ang mahalaga aniya ay nagagawa ni Alvarez ang kanyang tungkulin partikular na ang maraming priority bills ng Malacañang na naipasa sa ilalim ng pamumuno nito.

Samantala, naiintindihan naman ni Alvarez ang pagbaba ng kanyang ratings dahil hindi pa nararamdaman ang magandang epekto ng mga batas na naipasa sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Dagdag pa ni Alvarez, malaking hamon para sa kanyang liderato ang resulta ng survey para lalo pang pagibayuhin ang kanyang trabaho.

Facebook Comments