Nagpakawala ng tirada ang China laban sa mga bansang naghayag ng pagkabahala sa presensya ng mga barko nito sa Julian Felipe reef sa West Philippines Sea.
Mula kahapon, maraming bansa ang naghayag laban sa pamamalagi ng halos 200 Chinese vessels sa naturang bahura na matatagpuan sa 175 nautical miles ng Bataraza, Palawan.
Kinabibilangan ito ng Estados Unidos, Japan, Australia, United Kingdom, Canada, New Zealand at ng European Union na sumusuporta sa paghahain ng Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China.
Sa statement ng Chinese Embassy sa Twitter, inakusahan nila ang mga kritiko na naglalabas ng iresponsableng komento at gumagamit ng paulit-ulit na script.
Iginiit ng China na unawain ng mga bansa at irespeto ang mga “facts” bago magbitaw ng komento.
Nanindigan ang China na nananatili sila sa lugar para palipasin ang masamang panahon.
Una nang nanawagan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa China na paalisin ang kanilang mga barko sa nasabing bahura na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.