Nanindigan ang Malacañang na hindi maaaring basta-basta mamaril o magpaputok ang China laban sa mga foreign ships na pumapasok sa pinagtatalunang karagatan.
Nabatid na nagpasa ng batas ang China na nagpapahintulot sa kanilang coast guard na pigilan ang anumang banta mula sa foreign vessesls.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dapat pa ring sumunod ang China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Bagama’t malayang magpasa ang China ng mga batas nito bilang isang sovereign state, importanteng naaayon ang kanilang mga batas sa UNCLOS.
Sa ilalim ng general international law, ang paggamit ng dahas ay ipinagbabawal maliban na lamang kung kinakailangan o may pahintulot mula sa UN Security Council.
Umaasa ang Palasyo na hindi nito mapapalala ang tensyon sa mga pinag-aagawang karagatan.
Kaugnay nito, umaasa si Pangulong Rodrigo Duterte na makukumpleto ang Code of Conduct na siyang magreresolba ng gulo sa karagatan.
Nitong 2019, natapos ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China ang unang pagbasa sa draft ng code of conduct.
Inaasahang maisasapinal ang code of conduct ngayong taon.