Kinondena ng China ang saglit na pagbisita ni Taiwan Vice President William Lai sa Amerika.
Si Lai ang front-runner na maging susunod na pangulo ng Taiwan sa darating na halalan sa Enero.
Tinawag din ng China ang mataas na opisyal ng Taiwan na separatist at troublemaker at sinabing maigting nilang susubaybayan ang developments at gagawa ito ng mahigpit na hakbang para protektahan ang kanilang soberaniya at territorial integrity.
Sinabi rin ng Chinese Foreign Ministry na ang Taiwan ang core of interest ng China at ang rason ng tumitinding tensiyon sa Taiwan Strait ay ang pagtatangka umano ng Taiwan na dumipende sa US para sa kasarinlan nito.
Una rito, dumating sa New York ang Taiwan VP noong gabi ng Sabado para sa transit stopover sa kaniyang pagtungo sa Paraguay para naman dumalo sa inagurasyon ng pangulo ng nasabing bansa.
Nakatakda ring mag-stopover sa San Francisco ang Taiwan VP sa araw ng Miyerkules sa kaniyang biyahe pabalik ng Taiwan.
Matatandaan na patuloy na iginigiit ng China na bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan, bagay na hindi naman kinikilala ng Taiwan.
Sa panig naman ng China-policy-making body ng Taiwan na Mainland Affairs Council, ang China ang tunay na troublemaker dahil sa kamakailang standoff nito sa Pilipinas sa pinagtatalunang karagatan at patuloy na military harassment sa Taiwan.