Nagsasagawa ang China ng panibagong konstruksyon sa itinayo nitong artificial island sa Zamora Reef sa West Philippine Sea.
Ayon sa US geospatial company na Simularity, kung ikukumpara ang satellite images na kuha nila noong December 15, 2021 sa mga larawang kuha nila noong May 5, 2022 ay makikita ang progreso sa itinatayo nitong konstruksyon sa pitong lugar sa bahura.
Makikita roon ang mga construction equipment at malalaking bulto ng buhangin na posibleng indikasyon na nagpapatuloy ang konstruksyon sa lugar.
Isa sa mga bahagi nito ay mayroong mga bagong bakod at parking lots habang ang iba pa ay tila nadagdagan.
Nabatid na ang Zamora Reef ay isa sa “big three” man-made islands ng China sa Spratlys.
Mayroon itong runway, hangars, radars, missile shelters at weapons systems.
Ito ay 25 kilometro lamang ang layo mula sa Pag-asa Island na isa naman sa pinakamalalaking isla na inokupa ng Pilipinas sa Spratlys.