China, pinagbabayad ng environmental damages matapos sirain ng Chinese maritime militia vessels ang mga bahura sa West Philippine Sea

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na pagbayarin ang China sa pagkasira ng ating marine resources sa West Philippine Sea (WPS) matapos kumpirmahin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkasira ng bahura sa Rozul Reef at Escoda Shoal na sinasabing kagagawan ng mga Chinese maritime militia vessels.

Ayon kay Hontiveros, kailangang pagbayarin ng environmental damages ang China sa idinulot na pinsala sa ating teritoryo.

Aniya, aabot ng bilyun-bilyong piso ang makukuha ng Pilipinas kung maoobliga na magbayad ang China.


Sinabi pa ni Hontiveros na kung makakapagbayad ang China ng lahat ng utang na damages sa bansa ay tiyak na makakatulong ito sa kinakaharap na krisis sa ating ekonomiya.

Tinukoy pa ng senadora na noong 2020 ay naghain siya ng resolusyon para singilin ang China para tustusan ang ating COVID-19 response matapos na matuklasan na humigit kumulang ₱33.1 billion ang nawawala sa Pilipinas taon-taon mula sa pagkasira ng reef ecosystem sa Panatag Shoal at Spratlys Islands dahil sa reclamation activities doon ng China.

Kaugnay pa nito ay naghain si Hontiveros ng Senate Resolution 804 na naghahayag ng pagkundena ng Senado sa ginawang coral harvesting at pagsira sa bahura sa Rozul Reef at Escoda Shoal.

Inaatasan din ng resolusyon ang angkop na komite sa Senado para imbestigahan ang naturang insidente sa West Philippine Sea.

Facebook Comments