China, tahasang pinaaalis ng isang lider sa Kamara

Tahasang pinaaalis ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang China sa West Philippine Sea (WPS).

Ang panawagan ng kongresista ay bilang tugon sa pahayag ng Beijing sa Pilipinas na itigil ang mga exercises ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa WPS at igalang umano ang soberenya ng China sa pinagtatalunang lugar.

Giit ni Rodriguez ang pahayag ng China ay “ridiculous” o katawa-tawa dahil ang teritoryong sinasabing sa kanila ay bahagi ng 200-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.


Sinabi pa ng kongresista na lahat ng aktibidad ay pwedeng gawin ng bansa tulad ng pagpapatrolya, pagsasagawa ng drills, at exploration ng mga isla at iba pang natural resources.

Ibinalik ni Rodriguez sa China ang hamon sa agarang pag-pull out o pagpapaalis sa kanilang military at civilian vessels sa WPS at irespeto ang soberenya ng Pilipinas sa teritoryo.

Binigyang diin pa ng mambabatas na ang China ang ‘interloper’ o nanghihimasok sa teritoryo ng iba at nagpapakumplikado sa sitwasyon kaya dapat lamang na umalis na ang mga ito sa teritoryo ng bansa.

Facebook Comments