China, tinawag na ‘delusional’ at ‘desperate’ ng isang senador

Tinawag ni Senator Risa Hontiveros na “delusional” at “desperate” na ang China sa inilabas nito na bagong 10-dash line map.

Sa 2023 standard map ng China ay inaangkin na nito ang buong South China Sea kasama na ang Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea.

Maliban dito, makikita rin sa mapa na bahagi na ng China ang Taiwan at ang northeastern state sa India.


Ayon kay Hontiveros, wala na sa huwisyo ang China at kung ano-ano na lang ang ginagawa para mang-angkin ng teritoryong hindi naman sa kanila.

Giit ng senadora, ang inilabas na mapa ay isang desperadong hakbang ng Beijing para magkalat ng kasinungalingan at mga propaganda.

Tinawag din ni Hontiveros ang China na isang ‘master manipulator’ dahil sa patuloy na pagbaluktot sa katotohanan para sa kanilang sariling interes kahit pa masagasaan ang ibang mga bansa.

Naniniwala rin ang senadora na patuloy na magpapakalat ng ganitong mga fake news ang China kaya hindi rin dapat tayo tumigil sa paglaban hanggang sa tumigil ang China sa kanilang mga kalokohan.

Facebook Comments