Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, pinagpapaliwanag ng DFA kaugnay sa pagpasok ng Chinese Navy ship sa Sulu Sea

Ipinatawag na ng Department of Foreign Affairs (DFA) si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil sa pagpasok ng Chinese Navy ship sa Sulu Sea.

Ayon sa DFA, ito ay matapos na isang People’s Liberation Army-Navy (Plan) vessel ang pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas nang walang pahintulot mula Enero 1 hanggang Pebrero 1.

Nakaabot pa anila ito sa Cuyo Group of Islands ng Palawan at sa Apo Island sa Mindoro.


Agad namang pinaalis ng BRP Antonio Luna ng Philippine Navy ang Chinese Vessel pero sinabi nito na ‘innocent passage’ ang kanilang pagdaan.

Sa kabila nito, nanatili pa rin ang barko ng China sa loob ng karagatan ng Pilipinas nang tatlong araw.

Sabi ng DFA, bagama’t kinikilala ng Pilipinas ang right of innocent passage sa ilalim ng Article 52 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay hindi naman nagpakita ng innocent passage ang naturang barko na lumabag sa soberenya ng ating bansa.

Muli ring iginiit ng DFA na dapat irespeto ng China ang teritoryo at maritime jurisdiction ng Pilipinas at sumunod ang mga ito sa international law.

Facebook Comments