Chinese Ambassador Zhao Jianhua, nakipagpulong kahapon kay Pangulong Duterte

Manila, Philippines – Kinumpirma ng Palasyo ng Malacañang na nakipagpulong kahapon si Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, pinag-usapan ng dalawa ang mga issue sa pagkalat ng iligal na droga sa bansa at ang mga ginagawa ng Pilipinas para ito ay masugpo.

Sinabi din ni Panelo na natalakay din ng dalawa ang bilateral relations ng Pilipinas kabilang na ang Security, Trade, People to People Exchanges at ang pagtutulungan sa mga international at regional issues.


Inimbitahan din naman aniya ni Ambassador Zhao si Pangulong Duterte na dumalo sa paparating na Belt and Road Forum for International Cooperation na gagawin sa Beijing China sa Abril.
Ayon kay Panelo, posibleng puntahan ito ni Pangulong Duterte pero wala pa namang pinal na announcement dito ang Malacañang.

Batay naman sa impormasyong mula sa Chinese Embassy ay kasama sa pulong kahapon ay si Defense Secretary Delfin Lorenzana, Secretary Panelo at Foreign Affairs Undersecretary Enrique Manalo.

Facebook Comments