Hindi kasama sa inirekomendang kasuhan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang Chinese businessman na si Michael Yang at si dating Procurement Services- Department of Budget and Management (PS-DBM) Chief Christopher Lao sa umano’y maanomalyang pagbili ng medical supplies para sa COVID-19.
Kabilang sina Yang at Lao sa ipinatawag ng Kamara sa imbestigasyon tungkol sa report ng Commission on Audit (COA) na overpriced ang mga biniling medical supplies para sa COVID-19 response tulad ng face masks, face shields at PPEs ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng PS-DBM.
Si Yang ay dating presidential economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte at siyang itinuturong may koneksyon sa Pharmally at nakakuha ng kontrata para sa pandemic supplies.
Habang si Lao naman na pinuno ng PS-DBM noon, ang siyang nag-award ng hindi bababa sa ₱8.5 billion na kontrata sa Pharmally para sa face masks, face shields, PPEs at test kits gayong wala namang sapat na kapasidad ang kompanya para makakuha ng ganoong kalaking kontrata.
Pero paliwanag ni Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Michael Aglipay, hindi kasama sa mga inirekomendang kasuhan sina Yang at Lao dahil kinakakitaan ng komite ng “insufficiency of evidence” o kulang ang mga ebidensyang magdidiin sa mga ito.
Hindi rin aniya siya nagpadala sa emosyon at ginawa ang imbestigasyon ng Kamara ng patas ang proseso.
Gayunman, ilang opisyal pa rin ng Pharmally Pharmaceutical Corporation at PS-DBM ang inirekomenda sa report ng komite na makasuhan dahil naman sa syndicated estafa at pamemeke ng mga dokumento.