Nagsagawa ang Chinese Coast Guard ng dalawang araw na search and rescue operations para sa 36 na Pilipinong crewmen ng Panamanian-flagged cargo vessel na lumubog sa karagatan ng Japan subalit hindi pa rin nila ito natatagpuan.
Sa statement na inilabas ng Chinese Embassy sa Manila nitong Huwebes, ikinasa ang search and rescue operations nitong September 19 hanggang 20, 2020 sa hiling na rin ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ipinapaabot nila ang panalangin sa mga nawawalang Pilipino.
Patuloy ring magbibigay ang China ng tulong na kailangan ng Pilipinas at umaasa silang matatagpuan pa ang lahat ng mga ito.
Matatandaang lulan ng 43 crew members ang Gulf-Livestock 1 na kinabibilangan ng 39 na Pilipino, dalawang Australian, dalawang New Zealand nationals na patungo sana ng China para maghatid ng halos 6,000 buhay na baka nang tumaob ito noong September 2, 2020 dahil sa pananalasa ng Typhoon Maysak sa Southern Japan.