Pinayuhan ng mga opisyal ng Chinese General Hospital and Medical Center (CGHMC) ang kanilang mga consultant na sa ibang pagamutan muna ipadala ang mga COVID-19 patient.
Ito ay makaraang ideklara na ‘full capacity’ na ang nasabing hospital dahil sa dumami pa umano ang severe COVID-19 cases sa kanilang pasilidad.
Sa ipinadalang liham ni CGHMC Medical Director Dr. Samuel Ang at President/CEO Dr. James Dy, may ‘protocol’ sa kanilang emergency room na agarang pag-admit sa mga ‘suspected cases’ na magne-negatibo sa rapid test at ididiretso naman sa ibang ospital ang mga magpo-positibo.
Base pa sa kanilang liham, kanilang nilimitahan ang pagtanggap ng COVID-19 patients para maaasikaso nila ang mga ito kasabay ng pagsisiguro sa kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga health personnel.
Iginiit pa ng pamunuan ng ospital na pinaghahandaan na nila ang pagbubukas pa ng isang pang kwarto o ward dahil sa dami ng pasyente na may COVID-19 at kung matapos ito, muli silang mag-aaccommodate ng mga bagong pasyente.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, matagal na nilang inatasan ang mga pagamutan na maglaan ng kama para sa COVID-19 patients, ngunit nilinaw nito na hindi lahat ng pasilidad ng ospital ay kailangang gamitin dahil may iba pang pasyente na mangangailangan para sa mga ito.