Chinese na nagbebenta daw ng gamot kontra COVID-19, arestado

Kalaboso ang isang Chinese national na nagtitinda umano ng iligal na gamot para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Naaresto ang suspek sa isang bahay sa Parañaque City matapos bentahan ang isang operatiba ng National Bureau of Investigation Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) noong Martes.

Ayon sa imbestigasyon, inaalok umano ng salarin ang pekeng gamot sa pamamagitan ng app or social media. Karamihan sa parokyano nito ay kapwa-Chinese rin.


Narekober din sa lugar ang kahon-kahong medisinang inilalako nito.

Sa mga nakalipas na linggo ay sunud-sunod ang pagsalakay ng mga kinauukulan sa mga underground hospital, clinic, at botika na nasa Parañaque City, Las Piñas City, Makati City at Clark, Pampanga.

Nahaharap ngayon ang Chinese national sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act, Consumer Act, at Pharmacy Act.

Bagaman wala pang gamot o bakuna kontra COVID-19, sinabi naman ng World Health Organization (WHO) na patuloy ang pagsusuri ng mga dalubhasa sa posibleng gamot dito.

Facebook Comments