Tiniyak ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na madi-deport o ipapatapon palabas ng bansa ang mga Chinese nationals na nahuling nag-ooperate ng underground hospital sa Clark Pampanga kamakailan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, sinumang dayuhan na nahuling may nilabag na batas sa bansa ay paniguradong mahaharap sa deportasyon bilang agarang aksyon ng pamahalaan.
Sa kaso kasi aniya ng mga nahuling Chinese nationals, malinaw na may mga nalabag na batas ang mga ito, kabilang na ang iligal na operasyon ng health facility, paggamit ng mga gamot na hindi aprubado o rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) at panggagamot nang walang karampatang lisensya.
Magkagayunman, sinabi ng kalihim na may proseso pang kailangang daanan sa pagpapa-deport ng mga dayuhan.
Ito ay ang pag deklara ng gobyerno na sila ay undesirable alien o kung sila ay walang dokumento na nagsasabing pwede silang manatili sa bansa.
Matatandaang ilang Chinese nationals ang naaresto ng mga otoridad sa isang villa sa Fontana, Clark Pampanga na nag-ooperate ng makeshift hospital at nanggagamot ng kapwa nila Chinese nationals na sinasabing tinamaan ng COVID-19.