Isang pasahero ang naghagis ng barya sa parking apron ng airport sa China sa paniniwalang malulunasan ang pagtatae ng kasama niyang bata sa biyahe.
Pinagmulta ng 200 yuan (P1,500) ang babaeng may apelyidong Wang, na lumipad kasama ang ilang kaanak mula sa Jiangxi papuntang Sichuan noong Setyembre 5.
Inihulog ng 23-anyos na si Wang ang mga barya sa awang sa pagitan ng eroplano at ng jet bridge habang pababa na sila.
Walang nakapansin sa ginawa ng pasahero ngunit kalaunan ay nakita ng ilang trabahador sa airport ang tatlong barya sa lupa habang nagsasagawa security check.
Binalikan ng awtoridad ang footage ng surveillance camera at pinuntahan sina Wang kinabukasan sa tinutuluyang hotel.
Paliwanag ni Wang, nagtatae ang anak ng pinsan niya sa buong biyahe at nakaugalian sa kanilang lugar ang paghahagis ng barya sa paniniwalang magdadala ito ng swerte sa bata.
Hindi raw inakala ni Wang na maaaring magdulot ng seryosong problema ang ginawa niya.
Gayunpaman, dahil walang naantalang biyahe, minor offence lang ang ipinataw sa pasahero.
Napag-alaman na nakapagtapos ng bachelor’s degree in medicine si Wang at naghahanda na para sa entrance exam sa graduate school kaya nababahala siyang baka makaapekto ito sa pagkuha niya ng trabaho.
Komento tuloy ng marami sa insidente, paano niya gagamutin ang pasyente kung mapamahiin siya?
Sa mga nakaraang taon, marami na ring napaulat na insidente ng mga pasaherong Chinese na nagdudulot ng pagkaantala o naparurusahan sa pagtatapon ng barya sa runway o minsan pa ay sa engine ng eroplano.