Maganda ang relasyon ng Plipinas at China kaya hindi na ikagugulat kung sa loob ng taong ito ay mangyayari ang state visit sa bansa ni Chinese President Xi Jin Ping.
Ito ang sinabi ni Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz, matapos ang imbitasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay President Xi na bumisita ito sa Pilipinas.
Ayon kay Florcruz, sa ngayon ay kapwa abala at maraming schedule ang dalawang lider ngunit ang mahalaga aniya ay naiparating na ng Pilipinas ang imbitasyon sa presidente ng China.
Sa kabila aniya na wala pang partikular na petsa ang pagbisita ni President Xi sa bansa, siniguro ni Florcruz na aayusin naman daw ito sa mga susunod na araw o buwan.
Malaking tulong aniya na una nang nagkita at nagkausap ang dalawang lider nang magtungo sa China si Pangulong Marcos dahil direktang naipaabot nito ang nangyayari sa bahagi ng West Philippine Sea.