Pinapaimbestigahan ng Makabayan Bloc sa House Committee on National Defense and Security ang napaulat na umano’y recruiment ng mga Chinese sa mga aktibo at retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Kasamang pinapa-imbestigahan ng Makabayan Bloc ang pagkakaroon umano ng Chinese People’s Liberation Army sleeper cells dito sa Pilipinas.
Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa House Resolution 1682 na inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel.
Binigyang diin sa resolusyon na nakabahala ang nabanggit na mga hakbang ng China kasabay ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.
Binanggit din sa resolusyon ang nabunyag na kasunduan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China at ang tumataas na kaso ng mga krimen na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.