Mahalagang mabusisi ng mga Pilipinong medical experts ang potential COVID-19 vaccine na dine-develop ng China.
Ayon kay Dr. Lulu Bravo, Founding President and Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, layunin nitong malaman kung ligtas at mabisa ang mga bakuna bago ito ipamahagi sa bansa.
Aminado si Bravo na wala pa siyang nakikitang Chinese-made vaccine para sa iba pang sakit na ginagamit sa bansa.
Aniya, karamihan sa mga bakunang ginagamit ng bansa ay mula sa Amerika at Europa.
Iginiit ni Bravo na importante sa isang bakuna ang transparent process.
Mula sa 204 potential COVID-19 vaccines na dine-develop sa iba’t ibang bahagi ng mundo, 10 bakuna ang umabot sa phase 3 clinical trials.
Nasa anim na potential COVID-19 vaccine ang inaprubahan para sa limited use sa Russia at China.
Aabot naman 156 potential vaccines ang nasa pre-clinical phase o hindi pa sinusubok sa tao.
19 na gamot ang umabot sa phase 1 trials habang 13 ay nasa phase 2 study.
Paliwanag ni Bravo, kahit aprubahan ng medical authorities ang COVID vaccine abroad, kailangan pa ring dumaan ito sa regulatory approval ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas.
Ipinapanukala ni Bravo ang pagbuo ng independent advisory group na magrerekomenda sa paggamit ng bakuna sa bansa.
Ang National Immunization Technical Advisory Group ay binubuo ng multidisciplinary scientists at experts na magpapatnubay sa paggamit ng bakuna.