CHR Chairman Gascon, nangakong aaksyunan ang reklamong recruitment ng child warrior ng NPA

Isang araw matapos sunugin ng mga nagprotestang magulang ang effigy at larawan ni Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon, agad nitong ipinag-utos ang imbestigasyon sa umano’y ginagawang recruitment ng mga New People’s Army o NPA sa mga menor de edad na kabataan.

Sinabi ni Gascon, mabigat ang alegasyon ng League of Parents of the Philippines (LPP) na pinupuntirya ng mga teroristang NPA ang mga walang muwang na kabataan para isali sa kanilang pakikibaka.

Magtutungo umano ang ilang kinatawan ng CHR sa mga kanayunan upang kumuha ng mga impormasyon tungkol sa alegasyon ng grupo ng mga magulang.


Sakali umanong may makuha silang ebidensya laban sa mga komunista ay agad silang makikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pagsasampa ng kaukulang kaso.

Kahapon ay sinugod ng mga galit na galit na magulang ang tanggapan ng CHR sa Quezon City dahil sa umano’y pananahimik nito sa ginagawang recruitment ng NPA sa mga menor de edad para gawing Child Warriors.

Matapos ang kanilang kilos protesta sinunog ng mga ito ang larawan ng CHR Chairman at Spokesman ng Komisyon na si Atty. Jacquiline Deguia.

Facebook Comments