Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa pamahalaan na ikonsidera ang rekomendasyon ng UN Committee on the Elimination of Discrimination Against Women (CEDAW) na nagsasabing patuloy na napapabayaan at may diskriminasyon sa mga tinaguriang comfort women sa ilalim noon ng Imperial Japanese Army.
Una nang ipinahayag ng CEDAW na tinalikuran ng Philippine government ang pag-aruga o pagtataguyod sa karapatan ng mga naging biktima ng sexual slavery ng Imperial Japanese Army noong World War II.
Ito’y dahil bigo ang gobyerno na pagkalooban ng bayad-pinsala sa mga ito, gayundin ng social support o pagkilala man lamang sa hirap na kanilang pinagdaanan.
Batay sa reklamo ng 24 Pinay na miyembro ng Malaya Lolas (Free Grandmothers), paulit-ulit na umano silang dumulog sa gobyerno para sa kanilang hinaing, pero di umano sila pinakinggan.
Noong 2019, isinulong sa 17th Congress ng CHR ang Comfort Women Compensation and Benefit Act na kumikilala sa sinapit ng mga “comfort women” at upang pawiin ang kanilang pinagdaanang pagpapahirap sa pamamagitan ng reparations.