Iimbestigahan na Commission on Human Rights (CHR) ang pagkasawi ng football varsity player ng Far Eastern University na si Keith Absolon, at ng kaniyang pinsan na si Nolven sa umano’y nangyaring pagpasabog ng New People’s Army (NPA) ng landmine sa Masbate.
Sa isang statement, kinokondena ni CHR spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia ang pagpapasabog ng NPA ng anti-personnel landmine na matagal nang ipinagbabawal sa ilalim ng International Humanitarian Law (IHL).
Ani De Guia, kahit nasa kabilang panig ng armadong tunggalian ang NPA, dapat pa rin nitong kilalanin ang IHL.
Aniya, maliban sa hindi kasi pinipili ng landmine kung sino ang combatant at sibilyan, malimit ay pagkamatay o pangmatagalang pisikal na pinsala ang iniiwan ng naturang pampasabog.
Nagpadala na rin ng mga tauhan ang CHR sa Region 12 upang imbestigahan naman ang nasa likod ng nangyaring panununog ng pampasaherong bus sa Barangay Bialong sa M’lang, North Cotabato.
Ang pangyayari ay nagresulta sa pagkasawi ng tatlong pasahero at pagkasugat ng anim na iba pa.
Nanawagan si De Guia sa lahat ng kaukulang ahensya ng gobyerno na magtulungan upang hulihin at papanagutin sa batas ang nasa likod ng naturang panliligalig.