Manila, Philippines – Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagtatayo ng Commission on Elections (Comelec) ng tinatawag na Vulnerable Sectors Unit (VSU).
Ayon kay CHR spokesperson, Atty. Jacqueline de Guia, sa pamamagitan ng VSU, wala nang hadlang na makibahagi sa halalan ang mga bulnerableng sektor katulad ng mga may pisikal na kapansanan, nakatatanda, mga buntis, mga katutubo at mga persons deprived of liberty.
Aniya, dahil dito tuloy-tuloy na ang pagpaparehistro at pakikibahagi ng vulnerable sector sa buong election cycle.
Ani de Guia, ang karapatang makaboto ay fundamental human right na ginagarantiyahan ng konstitusyon.
At ang mga vulnerable sectors ay marapat na protektahan alinsunod sa mga international conventions at mga lokal na batas.
Sa ilalim ng VSU mas mapapalakas ng Comelec ang mga hakbang na magdaragdag ng accessibility sa mga vulnerable sectors na higit na makibahagi sa mahusay na pangangasiwa sa gobyerno.