Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang mga nangyaring pambobomba sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Ayon kay CHR Executive Director Jacqueline de Guia, ang mga pag-atakeng ito ay salungat sa pagsisikap ng gobyerno para sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.
Aniya, kanilang binabantayan ang development kaugnay sa pambobomba sa isang bus sa Koronadal City, South Cotabato; isang transport terminal sa Tacurong, Sultan Kudarat noong Mayo 26 at ang pagsabog na nangyari malapit sa garahe ng bus at isang fast food chain sa Isabela City, Basilan.
Giit pa ni De Guia, ang ganitong mga pag-atake ay sumasalungat sa mga mithiin ng international humanitarian law.
Tiniyak din nito na magsasagawa ang CHR ng hiwalay na imbestigasyon sa nangyaring magkakasunod na pambobomba.