Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang napaulat na pagkumpiska ng mga personal na mga gamit ng isang photojournalist sa gitna ng isang land dispute sa Silang, Cavite noong April 20.
Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), ang photojournalist na si Jose Monsieur Santos, na miyembro din ng Philippine Freelance Journalists’ Guild, tumaas ang tensyon noon sa pagitan ng mga residente at mga pribadong guwardiya .
Bagama’t iginiit ni Santos na siya ay bahagi ng media, kinuha pa rin ang kanyang mga gamit at hindi na naibalik.
Nanawagan ang CHR sa mga awtoridad na agarang ibalik ang mga kagamitan ni Santos.
Sa isang pahayag, sinabi ng CHR na nagdulot ng isang kritikal na epekto sa malayang paggalaw ng impormasyon sa isang demokratikong lipunan, ang naging pagtrato sa photojournalist.
Dagdag ng CHR, ang anumang pagtatangka na palakasin ang isang kultura ng takot sa mga mamamahayag ay tuwirang hadlang sa karapatan ng bawat Pilipino sa impormasyon na batay sa katotohanan.