Mas dapat umanong bigyan ng mas malaking Confidential and Intelligence Funds o CIF ang Commission on Human Rights o CHR kumpara sa ibang tanggapan tulad ng Department of Education (DepEd) o Office of the Vice President (OVP).
Sinabi ito ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman sa pagbusisi ng House Committee on Appropriations sa P967 million na panukalang pondo para sa CHR sa susunod na taon.
Lumabas sa budget hearing na katulad ngayong 2023 ay nasa P1 million lamang ang confidential funds na nakalaan sa CHR sa 2024.
Ayon kay CHR Chairperson Richard Palpal-Latoc, nakagugulat na maliit lang ang confidential funds na nakalaan sa CHR na may mandato na mag-imbestiga laban sa mga paglabag sa karapatang pantao, at magbigay ng suporta sa mga biktima at testigo.
Bunsod nito ay umaasa si Latoc na ikokonsidera ng Kongreso na dagdagan ang kanilang CIF para mas maging epektibo ang pagtupad ng CHR sa tungkulin nito.
Binanggit ng CHR na noong December 2022 ay umabot sa 5,650 na reklamo kaugnay sa human rights violations ang natanggap nito kung saan 3,292 na ang kanilang natugunan habang nasa 202 naman ang nakabinbing kaso sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, mga korte at Ombudsman.